Ano ang Araw ng Paglaya(Tugunang Tula ni Lizette at Norma)

kalayaan

Pinta ni Rev. Edwin Zarate

Paumanhin sa aking kababayan na nagpunta sa Mendiola. Hindi man ako nakasama, hayaan niyong ibahagi ko ang aking kaisipan tungkol sa isang bayang tunay na malaya. (Hindi kumpleto ito kaya sana tumugon si Diwata Norma Dollaga)

Ano ba ang hitsura ng taong bayan na malaya?
Ano ba ang mukha ng bansa na hindi na alipin ng imperialista?
Ano ba ang damdamin ng mga masa kung nakakaranas na ng pagkalinga?
Naaalala pa ba natin matapos ang daan-daang taon na pananakop ng ibang bansa?

Nalimot na ba ng ating mga anak ang ating mga awit, sayaw at mga wika?

Natibag na ba ng mga banyagang korporasyon ang ating mga bundok at mga unyonista?
Nabura na ba sa’ting alaala ang mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa kalayaan?
Naniwala na ba tayo sa kasinungalingan na tayo ay ay may dignidad at mapayapa?

Hindi ba ang bayang malaya ay may pamahalaan na kampi at tumutugon sa masa?
Hindi ba ang mga manggagawa at magsasaka dito ay may tamang sahod at lupang masasaka?
Hindi ba dapat ang mga duktor at guro ay nakapagsisilbi sa sariling bayan?
Hindi ba dapat ang bawat bata at pamilya ay may pagkain, pabahay at pag-asa sa kinabukasan.

Ang bayan na malaya ay di pinamumunuan ng militar at mayaman.
Hindi binubusalan at pinapatay ang naghahangad ng pagkapantay-pantay at hustisya.
Walang mayaman at mahirap na parang langit at lupa.
At walang imperialista na nagdidikta sa gobyernong ayaw maging tuta.

  -Lizette Tapia

TUGON:

Napakaganda ng iyong tula, 
(Ipagpaumanhin ang dagliang tugon
Halos pumikit na ang aking mga mata sa antok…ngunit nais kong tugunan ang iyong tula bago ang mga manok ay tumilaok) 

isang bayang malaya sa pangamba at dusta
may paggalang sa kapwa at walang nag-aalipusta
isang bayan na ang gobyerno ay gobyerno ng mamamayan
hindi ng mga naghaharing uri at pati Dios ginagawang utusan.

Malaya ang bayan na may malasakit kaninuman
Kung saan di mo kailangang magpalimos para sa iyong hapunan
O kaya naman ay manikluhod doon sa pagamutan
Upang ikaw ay pansinin at bigyan ng kagalingan.

Malaya ang bayan kung saan di kailangang umasa sa sa lotto 
O kaya sa gimmick ng palabas sa telebisyon ay manalo 
Di kailangang pumila sa mga palaro ng mg artista at pulitiko 
Sadyang panlinlang lamang ang mga ganitong panloloko.

Malaya ang bayan may paggalang sa karapatan
Ang naglalantad ng katotohanan ay di pinapaslang
At ang pamamahala ng ay di ginagawang negosyo 
Kaya pati eleksyon dinadaya para lamang manalo.

Malaya ang bayang, nabubuhay sa katarungan
Sa paghatol ay nakakiling batas ng Katotohanan
Di sunod sunuran sa utos ng imperyong dayuhan
At ang pagkampi sa katuwrian ay isang kadakilaan

– Norma Dollaga

 

 

 

 

Archives